Ipipikit ang aking mga mata pero hindi maiwasang ikaw parin ang nakikita. Sa paghampas ng hangin, bulong ng kahapon ang dala, yakap at bisig mo sa hinagap laging sumisingit.
Sinusubukang kalimutan ka, unti-unting binubura ang lahat ng ala-ala, litrato, message thread at voice recording. Binabantayang hindi na sana muling isipin ka, kaya ko naman siguro, hindi man ako ganun kasigurado.
Bakit ko pa ba naiisip, pag paligid ay tahimik, sa panahong di ko nais managinip, ang puso ko'y nanglalaban at ikaw ang pinipilit. Nais kong matutong maging masaya. Pano ko uumpisahan ng hindi ka kasama? Gayong pinaniniwala mo akong hindi ka aalis. Sinasanay mong walang ibang kayang pumalit. Subalit, lahat ay nagbabago, tulad mo at ang lahat ating mga plano. Parang di ko kayang sabayan ang bilis ng pag palit ng panahon, ang pabugsu-bugso mong pagde-desisyon. Turuan mo akong umindak kasabay ng mga alon. Ito na ba ang panahong sasabihin mong hindi mo maintindihan ang mundo at aaminin kong dahan-dahan ng nagkakakulay ang dati nakakabagot na sangsinukob.
Hihinga ako ng malalim. Bibilang. Isa. Dalawa. Tatlo. Hahakbang ng papalayo. Biglang maiisip na milya-milya ang ating layo. Babalik sa katotohanan. Uupo sa isang tabi. Tititigan ang telepono at maaalalang wala naman talagang tayo. Pero kahit pa man walang kasiguraduhan, ngingiti at makukuntento dahil masaya ako tuwing kausap kita. Baka sakaling sa huli, maisip mong masaya ka rin naman pala..